ISANG KAGYAT NA PANAWAGAN KAY PRESIDENTE MARCOS: IPATUPAD ANG VESSEL MONITORING MEASURES PARA SA LAHAT NG COMMERCIAL FISHING VESSELS! - Oceana Philippines

ISANG KAGYAT NA PANAWAGAN KAY PRESIDENTE MARCOS: IPATUPAD ANG VESSEL MONITORING MEASURES PARA SA LAHAT NG COMMERCIAL FISHING VESSELS!

PAHAYAG NG MALUBHANG PAGKABAHALA

Press Release Date: April 5, 2023

Kami, na nagmumula sa isang malawak na koalisyon ng mga civil society groups at samahan ng mga mangingisda, ay nagpapahayag ng aming matinding pag-aalala dahil sa pagpapatigil ng presidente sa implementasyon ng pinakahihintay na FAO 266. Ipinag-uutos nito na lahat ng mga komersyal na sasakyang pangida ay magkakabit ng vessel monitoring measures (VMM).  Ang itinakdang petsa ng 100% na pagsunod dito ay nakalagpas na, noong ika-11 ng Oktubre 2022. Nguni’t nitong February 2023 ay 58% pa lamang ng kabuuang bilang ng mga komersyal na sasakyang pangisda ang nakabitan na. Ibig sabihin, 42% ng kabuuang bilang ay lumalaot at nangingisda ng iligal at walang nakakabit na VMM, isang malinaw na paglabag at pagsuway sa inamyendahang Fisheries Code RA 10654 at FAO 266. 

 Malinaw sa syensya na ang labis na pangingisda, napakalawak na mga iligal na pamamaraan ng pangingisda at pagkasira ng kanlungan ng mga yamang-dagat ang dahilan ng pagkaunti at pagkaubos ng ating mga isda at yamang-dagat. Ang mga nahuhuli sa pamamagitan ng Illegal, Unreported at Unrgulated (IUU) fishing ay tinatayang umaabot ng 27 hanggang 40 porsiyento ng mga isdang nahuhuli noong 2019 sa Pilipinas o tinatayang P62 bilyon bawat taon1.   Hindi rin nag-uulat ang mga komersyal na mangingisda ng hanggang 422,000 toneladang huli nila bawat taon.  Malalang pagkasira ng ating mga pangisdaan at ekosistema sa karagatan na pinagmumulan ng pagkain, nutrisyon at pambansang seguridad ang idinudulot nito, gayon din sa buhay ng mga pamayanan sa baybayin at mga artisanong mangingisda na umaasa sa malusog na karagatan para sa kanilang kabuhayan. 

Ang ating mga lungsod at bayan sa baybayin na inatasang protektahan ang municipal water na nakalaan  lamang sa mga artisanong mangingisda ay mahihirapang ipatupad ang kanilang tungkulin kung walang katuwang na teknolohiyang vessel monitoring. Ang VMM ay isang kritikal na kasangkapan para sa pagsubaybay at regulasyon ng mga gawain ng komersyal na mangingisda upang sustenableng mapangasiwaan ang ating papaubos nang mga yamang-dagat. 

Ang pagsusulong ng patakaran sa VMM ay alinsunod sa mga reporma na nakapaloob sa Philippine Fisheries code na inamyendahan ng pamahalaan ng Pilipinas billang tugon sa yellow card na babala ng European Union upang mapahinto, mapigilan at malabanan ang IUU fishing. 

Ang pagsuspinde sa FAO 266 ay isang napakalaking balakid sa magkakasamang pagkilos para maprotektahan ang ating napakahalagang mga yamang-tubig at dagat at tungo sa kapakanan ng ating mga mamamayan, na sa ngayon ay lubos nang nanganganib mula sa epekto ng pagbabago ng klima at krisis sa ating mga likas-yaman. 

Ang mga epektibong pamamaraan para masugpo ang IUU fishing ay hindi na kailangang ipagdiinan pa.  Ang kamakailang hakbang ng pamahalaan na ipatigil ang implementasyon ng VMM ay paatras, at makakatulong pa sa mga sumusuway na nabigyan ng pribilehiyo na mangisda sa ating mga katubigan at sumasalungat sa Konstitusyonal na mandato  na protektahan ang ating mga yamang-dagat, ang Philippine Fisheries Code na inamyendahan, at ang ating mga obligasyon na pang-internasyonal. 

Kami ay matibay na naniniwala sa sinasabi ng Global Fishing Watch na “Kapag ang mga datos sa karagatan at mga sasakyang pangisda ay naibabahagi, mas maitataguyod natin ang syensya, magkakaroon ng pananagutan at magluluwal ng patas at mas angkop na mga patakaran na pangangalagaan ang pangisdaan at sa mga umaasa dito para sa kanilang kabuhayan” 

Kami ay nananawagan kay President Ferdinand Marcos, Jr. na bawiin agad ang pagsuspinde sa implementasyon ng FAO 266 at ipag-utos ang agarang pagpapatupad nito para matiyak ang mga epektibong paraan upang maging bukas, nababantayan at may pananagutan ang pangangasiwa ng ating pangisdaan.